Alaala ng Nakalipas
May bakat ng banig ang mukha ko tuwing gigising ako sa umaga. Kailangang lulunin ang hinabing banig pagbangon at dalidaling tatakbo sa ilog para maglublob ng isa o dalawang beses bago maghanda sa pagpasok sa eskwela. Nilalakad ko lang mula sa bahay papunta sa malapit na paaralang elementarya.
Ibang-iba noon kaysa ngayon. Simple lang noon ang buhay. May radyo lang noon ay tama nang makinig sa Zimatar at Amorseko sa hapon. Masaya na. Kapag maulan ay nagluluto si nanay ng sampurado at tuyo. Sa gabi naman ay magluluto sya ng ginataang gulay, pritong isda at sama-sama kaming kakain.
Ngayon malayo ako sa aking probinsya. Malayo sa aking bansa. Malayo sa aking pamilya. Ginigising ako ng alarm galing sa aking cellphone na naka-set ng weekday alarm tuwing ala-singko ng umaga. Maglalagay ng tubig sa tasa at ipapasok sa microwave oven. Habang naghihintay ng pagtunog ng oven ay dalidaling maglalagay ng cereal sa bowl at bubuhusan ng malamig na gatas. Almusal. Sa halip na maglublob sa ilog ay tatapat sa hot shower para makaligo. Hindi pwedeng mahuli dahil ang kasamang papasok ay darating ng eksaktong alas syete diyes.
Dati, tama na ang chalk at blackboard para matuto. Ang mga estudyante lahat ay may kwaderno. Malinis ang uniporme at may ehersisyo sa umaga. Mahaba ang lunch break dahil pwedeng umuwi, makinig ng Zimatar at lumakad ulit pabalik sa eskwela. Batingaw ang maririnig pagbadya ng simula ng klase.
Dito sa amerika may lcd projector, may visualizer, may laptop at printer sa bawat classroom. May class set din ng calculators. Maganda ang mga buildings. Higit sa lahat libre ang public education. Libre ang school bus. At dahil bago ang paaralan ko, isa kami sa pioneer na may microphone ang teacher sa bawat classroom. Sa kabila ng lahat ng ito, ang pagtuturo dito ay isang pakikipagbuno. Mahirap. Nakakasakit ng damdamin sa tuwing makikita ko kung paano balewalain ng mga estudyante ang kasaganaan na nararanasan nila. Wala nga yatang kasiyahan ang tao. Mangangarap na magkaroon ng mga bagay bagay. Kung meron naman, ang mga nagkakaroon ay hindi marunong magpahalaga: sa pera, materyal na bagay, pamilya, buhay.
Kalahati na ba ito ng buhay ko? Parang ang layo layo na ng kinalalagyan ko sa aking pinagsimulan. Malungkot at masaya tuwing babalikan ang nakalipas.